Thursday, March 01, 2012

Sulat ni Nanay at Tatay sa Atin



One senior citizen's motto is "Bumaket/Lumakay kayonto, madanonyonto met!" (You'll grow old someday, and you'll be like us). This was a forwarded email I saved here in my hard disk. Back those days, where most of us, still write long mails and used to forwarding emails too.

~ jean


Sulat ni Tatay at Nanay sa Atin

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at
pagpasensyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay
nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag
kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin
ang isang matanda. Nagse-self-pity ako sa tuwing
sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenga ko at hindi ko maintindihan
ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng
"bingi!" Paki-ulit na lang ang sinabi mo o pakisulat
nalang. Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.

Kapag mahina na tuhod ko, pagtiyagaan mo sana akong
tulungang tumayo, katulad ng pag-aalalay ko sa iyo
noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging
makulit at paulit ulit na parang sirang plaka. Basta
pakinggan mo na lang ako. Huwag mo sana akong
pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo
anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo,paulit- ulit
mo 'yong sasabihin, maghapon kang mangungulit hangga't
hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtiyagaan ko ang
kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy
matanda, amoy lupa. Huwag mo sana akong piliting
maligo. Mahina na ang katawan ko. Madaling magkasakit
kapag nalamigan, huwag mo sana akong pandirihan.
Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kitang
habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas, ako'y masungit,
dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo,
maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo,
kahit sandali lang. Inip na ako sa bahay, maghapong
nag-iisa. Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho,
subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik na
akong makakwentohan ka, kahit alam kong hindi ka
interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak,
noong bata ka pa? Pinagtiyagaan kong pakinggan at
intindihin ang pautal-utal mong kwento tungkol sa
iyong teddy bear.

At kapag dumating ang sandali na ako'y magkakasakit at
maratay sa banig ng karamdaman, huwga mo sana akong
pagsawaan alagaan. Pagpasensyahan mo na sana kung ako
man ay maihi o madumi sa higaan, pagtiyagaan mo sana
akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay.
Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan
mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng
loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos
na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagapalain ka
sana ... dahil naging mapagmahal ka sa iyong ama't ina...

No comments: